Napabalita na hindi na daw muna magbubukas ang mga tindahan sa Ugbo ito man ay may sariling pwesto o nasa kalsada man. Isa itong nakalulungkot na balita para sa nakararami. Indefinite ang closure ng lahat ng nagtitinda dito ayon sa negosyanteng nakausap si Chairman at kapulisan. Ang Ugbo Food Avenue ay nakilalang kainan dito sa Tondo na siya ring nagbigay ng magandang pangalan at bagong mukha sa Tondo. Ordinaryong tao, celebrities, vloggers at iba pang bisita ang nagsisipuntahan dito dahil sa taglay nitong kakaibang experience sa mga kumakain. Nuong November 2020 ay lumaki, lumawak at dumami na ang mga nagtitinda at lalo na yung mga kumakain dito. Ngayong pandemya ay naging mahigpit din ang patakaran sa health protocols upang maiwasan ang pagkakasakit ng COVID19. Nadamay dito ang Ugbo dahil na rin sa dami ng mga kumakain dito na minsan ay hindi na nasusnod ang minimum health standards ng gobyerno. Nais ko lamang magbigay ng mga mungkahi upang lahat tayo dito ay panalo. Panalo ang gobyerno. Panalo ang mga negosyante. Panalo ang parokyano.
1. GOBYERNO Ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila, Manila Police District, Barangay at iba pang ahensya ng gobyerno ay magkaroon ng inisyatibo upang tugunan nang mabuti ang problema ng pagpapatupad ng operasyon sa Ugbo. Sana matulungan ng gobyerno ang mga negosyante at parokyano nito na ma-enjoy ang Ugbo experience. Alam namin na madami nang nagagawang aksyon ang gobyerno upang mapanatiling maayos ang operasyon nito. Ngunit sa nakikita namin ngayon ay hindi pa masyadong balanse sa lahat ng stakeholders ang ginagawang kasyon nito. Kapag hindi naghigpit ang gobyerno (barangay, pulis) ay sobrang dami naman ng tao na nagsisiksikan sa Ugbo. Halos wala nang madaanan at sabi nga ng ibang netizens ay "COVID is waving". Totoo namang napapabayaan ang kaligtasan ng lahat. Pero kapag naghigpit at kumilos naman ang gobyerno ay sobrang matumal naman ang benta ng mga tindahan duon. Sinabayan pa nito ang maagang pagpapasara dahil sa curfew. 4pm to 6pm ang bukas ng mga tindahan tapos 8pm to 9pm sarado na recently. At sa bagong kautusan ngayon na mismong may sariling tindahan ay bawal nang magbukas ay isa na namang dagok ito para sa kanila. Yung mga permanent stalls sana ay mapagbigyang magbukas. Ito yung mga may building talaga. Ayon kasi sa bagong direktiba ay lahat as in lahat daw ng nagtitinda ay bawal na. (Give us update kung may bago pong direktiba na). Suhestyon lamang po na gumawa ng task force or governing bodies na magpapatakbo sa operasyon ng Ugbo particularly pagdating sa seguridad, health protocols at tenants coordination. Binubuo sana ito ng barangay, kapulisan, city hall representatives, stall owners at iba pang stakeholders para mas malinaw, transparent at buo ang koordinasyon ng lahat. makagawa ng patakaran ng malinaw at pag-agreehan ng lahat. Nawa'y manguna ang gobyerno para sa win-win resolution ng mga problemang ito ng Ugbo Food Avenue. 2. STALL OWNER Madami akong kaibigan at client sa blog ko na nasa Ugbo. Nakalulungkot na tila tuliro sila palagi kapag may mga bagong pinatutupad na direktiba ang gobyerno sa kanila. Ngunit alalahanin din natin na mayroon tayong obligasyon bilang business owners. Unang-una dyan ang safety ng mga customers at mga saraili natin. Nawa'y sundin natin ang mga ipinatutupad ng gobyerno na social distancing, wearing of face masks at limited number of dine in customers sa tindahan natin. Minsan din kasi pasaway tayo eh kaya nagiging pabago-bago din ang direktiba ng gobyerno dahil sa ilang pasaway na tindahan. Bawal mag dine in nagpapa dine in. 10% or 30% capacity ay nagiging 100%. Closed dapat ng 8PM tapos hanggang 9PM bukas. Napapansin din pala yan ng mga tagapagpatupad ng batas. Akala natin minsan okay lang kasi di tayo sinusuway. Yun pala eh tinatantos ito against sa atin. Dahil sa katigasan ng ulo natin ay gumagawa tuloy sila ng mas drastic na hakbang gaya ng pagpapasara ng lahat ng tindahan. Nakalulungkot man ay nadadamay ang lahat sa pagiging pasaway ng iba. Nauunawaan natin pagiging pasaway nila kasi nga naghahabol sila ng benta dahil sa ilang linggong pagkakasara ng tindahan. Gutom na ang mga tauhan ng business owners. Gutom na pamilya nila. Ang daming bills na babayaran tapos hirap na hirap pa sila sa pagpapatakbo ng tindahan nila. Kumbaga, napeperwisyo lagi paninda nila sa mga nangyayari. Walang stability na isang importanteng factor para sa maayos na negosyo. Nawa'y makipagkaisa tayo sa gobyerno at mahigpit na sumunod sa kanila upang lahat tayo ay maging maayos. Magkaroon din sana kayo ng IISANG BOSES para sa lahat ng concerns ninyo sa gobyerno. Hindi pwede pailan-ilan o paisa-isa lang nakikipag-usap. Magkaisa sana lahat ng business owners para mas malakas at konkreto ang boses. 3. CUSTOMERS Sa atin mga tumatangkilik sa Ugbo Food Avenue. Nagpapasalamat kami sa mainit na suporta ninyo sa bahaging ito ng Tondo. Ngunit sana naman po ay sumunod din tayo sa ipinatutupad na patakaran sa Ugbo para po sa kabutihan ng lahat. Kung maaari din ay bumili pa din kayo sa Ugbo kahit hindi na kayo pupunta. Mag-order po tayo online sa kanila dahil lahat naman po yan ay may delivery service at available po. Nawa'y ibigay din natin ang parte natin na laging mag-face mask kapag hindi kumakain, pumila ng maayos, mag-observe ng social distancing at mag-alcohol o hugas ng kamay. Takpan ang bibig kapag babahing. Huwag nang lalabas o pupunta sa Ugbo kapag may sintomas na. Kung closed contact po tayo sa nag-positive sa COVID ay huwag na po tayo lalabas pa. Iwasan po natin maging pasaway. Sa aking huling pananalita, nais ko lamang po na magtulungan ang lahat. May problema sa operasyon ng Ugbo. Pero may solusyon dito. Kailangan lang na maayos na komunikasyon ng mga stakeholders at maayos na implementasyon nito. Kailangan na itong upuan once and for all para po sa ikabubuti ng mga negosyante, madlang pipol at ng gobyerno. Kailangan na nating matutong mamuhay kasama ng COVID19. Andyan na yan. Magpabakuna na po tayo. Sundin ang health protocols. Suportahan ang small businesses. Irespeto ang mga tagapagpatupad ng batas. Mamuhay ng hindi lamang inaalala ang sarili kundi ang kapwa. May awa ang Diyos. Bibigyan tayo ng wisdom paano magiging win-win solution sa lahat ang operasyon ng mahal nating Ugbo. Welcome po kayo sa Tondo! 📸Byahe ni Win #WhenInTondo #UgboFoodAvenue #WelcomePoKayoSaTondo #WelcomePoKayoSaManila |
AuthorRyean TeeVee Archives
October 2021
Categories
All
Ryean TeeVeeWhen In TondoTondoriffic Vlogs |