Sa buong buhay ko ay ngayon lang ako nakaapak sa kwadra ng mga pangkarerang kabayo at sa isang race track. Dati rati eh nakikita ko lang siya sa mga TV ng patayaan ng karera (OTB) pero this time ay nakasaksi ako ng actual na karera ng kabayo. To tell you honestly, nag-enjoy naman ako makita yung mismong karera kasi ba naman sobrang gagaling tumakbo ng mga ito. Ang bibilis at ang liliksi. Namangha din ako sa laki ng race track ng kabayo. Ang lawak lawak. Sabi ko nga eh ang sarap magpa-concert ng international stars bilang venue nito. Ito yung 12 oras ng buhay ko na kasama ko lang ay mga kabayo at mga fanatics ng karera nito. Nakakamangha lang kasi mayroon palang mga tao na very passionate about horce racing. Gaya na lamang ni Sir Mike Lopez ng ML Stable. Nabigyan ako ng pagkakataon na makapamasyal sa kanyang kwadra ng kabayo sa Carmona, Cavite. Mayroon siyang humigit-kumulang na 30 kabayong pangkarera na inaalagaan dito. At take note, naglalakihan talaga mga kabayo dito. Sobrang layo sa itsura ng mga nakagisnan kong kabayo na pangkalesa na kung saan maliliit lang. Kumbaga sa burger ay Giant Burger itong mga kabayong ito. Sa tulong ni Lucky Dhendhen at Trainer Peter Aguila ay pinasyal nila ako sa buong stable at itinuro ang mga basic na ginagawa nila duon. Mayroon silang mga sampung tauhan o tinatawag na "sota" na siyang nagpapaligo, nagpapakain at nag-aalaga sa mga kabayo. Sila din naglilinis ng buong kwadra na mayroong 28 butas para paglagyan ng mga kabayo. Napanuod ko din kung paano nagpa-"pedicure" yung mga kabayo ng palitan ang horse shoe nito sa tulong ng isang mahigit 30 years na karanasan ng isang expert dito. Panuorin sa video na ito kung paano pinapalitan ang horse shoe ng isang kabayo sa loob lamang ng halos 5 minuto. Makikita sa kwadra kung gaano kamahal ng may-ari ang kanyang mga kabayo. Dahil mayroon siyang enough na tauhan, facility, pagkain, training at laban upang mas maging maganda at magaling ang kanyang mga alaga sa ML Stable. Nakaka-proud pa dito ay ipinangalan ni Sir Mike Lopez sa ilang mga lugar sa Tondo ang kanyang mga kabayo. Dito nyo makikilala sina Panday Pira, Pitong Gatang, Ugbo, Katuparan, Isla Puting Bato, at si Bulwagan na ilan sa kanila ay mga nanalo na din sa karera sa San Lazaro at iba pang race track. Speaking of San Lazaro, alam nyo ba na race track na San Lazaro sa Carmona, Cavite ngayon ay nasa Sta. Cruz, Manila dati na kung saan nakatayo ngayon ang SM San Lazaro? Ngayon, ang Manila Jockey Club, Inc. ay ibinalik ang sigla ng bayang karerista sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga events para sa mga mananaya. Nagulat ako sa laki ng San Lazaro Leisure and Business Park. Maganda sya at malawak. Mayroon siyang mga ticket booths, lounge para sa mga mananaya, kainan at mga exhibits para sa history ng karera sa Pilipinas. Iba't ibang klase ang loung ng mga mananaya. Mayroon tayong pang-masa na kung saan duon nakaupo sa mga bleachers na iba't ibang kulay. Non-aircon siya pero madaming spaces para mapanuod mo ng live ang laro. Mayroon din g mga VIP lounges sa 2nd and 3rd floor para sa may afford na kumain ng mga restaurant quality na food trip. Mayroon din silang bar lounge kung saan kami nakapwesto na pwedeng kumain at mag-chill chill habang naglalaro ng karera. Sa araw ng aming pagbisita ay ipinagdiriwang ang 450th Araw ng Maynila bilang kabisera ng bansa. Bilang paggunita dito ay nag-ambag ng karagdagang papremyo si Cong. Manny Lopez sa mga mananalo upang mas lalong maging masaya ang laro. Ito ay bilang pagpapatuloy ng nakagisnang tradisyon tuwing Araw ng Maynila na tinatawag na "Gran Copa de Manila." Batid ng butihing Congressman ng Unang Distrito ng Maynila ang kahalagahan ng naturang tradisyon tuwing sasapit ang Araw Ng Maynila. Kanilang ipinangalan ang bawat race sa lahat ng naging Alkalde ng Maynila bilang pagkilala sa mga naging ambag nito sa lipunan. Binati din ni Cong. Lopez ang bayang karerista at ang mga Manileno sa naturang selebrasyon sa isang video message na ipinalabas sa Karera San Lazaro Facebook page. "Ang nais ko.. ay sana po ang bayang karerista ay makagiliwan nyo po ang ating ihahandog para po sa inyong lahat. So, minsan pa ay binabati ko po ang bayang Maynila.. ang magiting na bayan ng Maynila sa ating pagdaos ng ating kaarawan." Natapos ang siyam na karera ng maraming nakangiti (lalo na syempre yung mga nanalo) dahil sa espesyal na araw na ito. At syempre ako kasama ng team ko ay masayang-masaya din sa bagong karananasan at kaalaman na aming nakuha mula sa pagpasok sa kwarda ng ML Stable at ng San Lazaro race track. Ang pinakanatutunan ko dito ay ang kanya-kanyang pagtawag sa atin ng Diyos sa bawat larangan na ating kinabibilangan. Gaya na lamang ng trainer ng kabayo, henete, mga sota at lalo na si kuya na taga-kabit at ayos ng sapatos ng kabayo. Walang taga-ayos ng sapatos ng kabayo sa loob ng 32 taon kung walang kagaya ni kuya na nagpatuloy at minahal ang ganung trabaho. Kaya wag sana natin mamaliitin o hahamakin ang talaneto o skills na binigay sa atin ng Diyos. Bagkus ay linangin at palaguin pa natin ito upang lalo pa tayong makatulong sa kapwa. Nagpapasalamat ako kay Sir Mike Lopez at sa buong team niya sa pagpapaunlak sa pagbisita sa mundo ng bayang karerista.
Follow me on my social media accounts para sa mas madami pang kwento: Tondoriffic Vlogs Facebook: https://www.facebook.com/tondorifficvlogs YouTube: https://www.youtube.com/c/TondorifficVlogs When In Tondo Facebook: https://www.facebook.com/whenintondomnl Ryean TeeVee Facebook: https://www.facebook.com/ryeanteevee18/ YouTube: https://www.youtube.com/c/RyeanTeeVee18 Tiktok: @ryeanteevee18 Instagram: @ryeanteevee18
0 Comments
|
AuthorRyean TeeVee Archives
September 2021
Categories |