ANG SIGAW NG TUNDO
ni Rodel M. Jaboli Pakinggan mo O bayan, ang panaghoy ng tagaTundo, Imbing kalagayan nalugmok sa dusa’t pagkahapo Manhid na mga katawang nalubog sa pagkabigo ‘Di makapag-pumiglas sa kumunoy nang panlulumo. Kulimlim ng langit sa gabing nababalot nang lumbay, Hindi maapuhap ang landas sa kawalan ng gabay Mga paang nangangapa, takot mawalan ng malay Baka magising na lamang buhay ay wala ng saysay. Himno ng pighati’t lumagaslas ang pagsusumamo, Mga luhang dumadaloy sa lupang ipinangako Walang puknat na tumatangis ang matang nanlalabo Sakbibi ng hapis sa dustang damdaming nasiphayo. Hagupit nang pangigipit sa kalamna’y nagkalatay, Tinarakan ng patalim hanggang nagkagutay-gutay Hinayaang mabusabos, iniwang nakahandusay Kalunos-lunos na maralitang nag-aagaw-buhay. Sa pagkasubasob sa putikan, kuminang ang ginto, Hinulma ng katapangan na nag-ugat sa ninuno Nananatiling nananalaytay ang bagsik ng dugo Dumilig sa matagal ng tigang na lupang natuyo. Ang nanunuyot na labi, tamis na ngiti’y sisilay, Sulo ng ningas na apoy bitbit nang mariing kamay Babagtasin ang daanan sa minimithing tagumpay Kahit maging sa takipsilim malayang maglalakbay. Hindi na mabubulid sa bangin ng mga palalo, Kakapit sa lubid upang hindi tuluyang bumugso Buong tapang na aakyat hanggang marating ang dulo Hindi na matitinag kahit harangan man ng punglo. Bakas nang hirap ibabaon sa ilalim ng hukay, Ang aral na tumimo sa isip, magiging patnubay Dusang tiniis sanhi ng katarungang hindi pantay Babaguhin ng taas-noong pangarap na s’yang taglay. Karalitaan kikitlin nang matapat na pangako, Sama-samang kikilos upang tagumpay ay matamo Buong giting na titindig laban sa pang-aabuso At sa puso ay ipagmamalaking anak ng Tundo. Bangungot ng kahapon ihahatid sa huling lamay, Yayakapin ang bagong silang na pag-asang s’yang alay Sa pausbong na mga binhing tapang ay ipapanday Na magtatanggol sa lupang pinagbuwisan ng buhay. #WhenInTondo #AnakNgTondo #BatangTondo #SigawNgTondo
0 Comments
Leave a Reply. |
AuthorRyean TeeVee Archives
September 2021
Categories |